Paskong Pinoy, Bocaue version

Celine Isabelle Samson

May Christmas village na rin sa Bocaue!

Kumukutikutitap na ilaw, bahay na puno ng palamuti at mga magkakabarangay na masayang nagkakantahan at sayawan: iyan ang imahe ng Kalye Paskuhan dito sa Bocaue.

Ang Christmas village ng Bocaue ay nasa Barangay Bagumbayan. May panggulat ang Kalye Paskuhan; sa bungad ng barangay ay manaka-nakang mga bahay lamang ang may parol na nakasabit sa labas.Payapa, hindi mo iisiping sa looban nito ay mayroon palang isang buhay na buhay na kalyeng dinarayo ng daan-daang tao gabi-gabi! Nagsimula ang Kalye Paskuhan noong Disyembre 16 at magtatagal hanggang sa araw ng Pasko.

Madali lang matunton ang naturang kalye; susundan mo lamang ang asul na telang gumagabay patungo doon. Di ka pa nakalalapit sa kantong magdadala sa iyo sa lugar, maririnig mo na ang tinig ng tagapagtanghal para sa gabi. Bawat gabi ay may Bocauenong nagbabahagi ng kanilang talento para sa kasayahan sa kalye. Karamihan sa kanila ay cultural performers mula sa iba’t ibang paaralan ng Bocaue.

Katangi-tangi rin sa kalye and malagintong pagningning ng mga pailaw ng isang bahay.

Ang namumukod-tanging bahay na ito ay pagmamay-ari ng pamilya Cotaco na taun-taong pinaiilawan at magarbong dinedekurasyunan ng mga parol, Santa Claus, belen at iba’t ibang cartoon characters. Mula labas hanggang sa loob ng bahay sa bahagi ng swimming pool, mararamdaman mong Paskong-Pasko na!

Labintatlong taon na raw nila itong ginagawa, ayon sa may-ari ng bahay na si Ding Cotaco.

“[A]ng main purpose nito ay para sa mga bata, para kahit papaano madama ng mga taga-Bocaue ang Pasko,” sabi niya.

Mula Nobyembre 1 hanggang Enero 6, binubuksan ng mga Cotaco ang kanilang hardin upang magbigay-kasiyahan sa kanilang mga kababayan, kung saan maaaring pagkunan ng litrato ang di mabilang na mga palamuti sa bahay.

Sa gitna ng hardin matatagpuan ang isang malaking Christmas tree. Sa pasukan sa harap ng bahay, may mga istante ng “little drummer boys” at ng cartoon characters ng Alvin and the Chipmunks. Ang kanilang mga halaman, maging ang sentrong belen, ay binalot sa Christmas lights, na siyang nagpapaganda pa lalo sa lugar sa iba’t iba nitong mga kulay.

Ang swimming pool nila ay pinaliligiran ng mga parol at Christmas lights at maging ang bubong ng bahay ay napuno rin ng mga pailaw na hugis bituin. May mga istante rin ni Santa Claus doon.

Ngayong taon, bituin ang napiling tema ng pamilya, sabi ni Ding.

“Liwanag kaagad ang nakikita mo,” sabi ni Ding. “[S]a hirap ng buhay ngayon… kahit papaano, nawawala ang problema mo rito. Masaya ka, mawawala yung mga dull moments mo.”

Mapabata man o matanda, tunay namang ngiti ang makikita sa mukha ng bawat taong papasok sa gate ng pamilya.

Maliban sa mga taga-Bocaue, dinadayo na rin daw ng mga taga-ibang bayan ang kanilang bahay, tulad ng mga taga-San Jose del Monte, Sta. Maria, Marilao, Meycauayan, Calumpit at Hagonoy.

Ang pagkakaroon ng Kalye Paskuhan ay ngayong taon lamang sinimulan sa pangunguna ni Bocaue Mayor Joni Villanueva. Kapansin-pansin agad ang dala nitong kasiyahan sa mga taga-Bocaue. Isang tunay na Paskong Pinoy ang madarama rito pagkat buong barangay ay nakikisaya.

Bitbit ang mga fishball, squidball at ice scramble na mabibili sa mga naglalakong nakapuwesto sa gilid ng bahay, kumportable kang makakaupo at makakapakinig ng tugtugin mula sa mga tagapagtanghal ng gabi. Minsa’y chorale at minsa’y acoustic performer, bukas ang mikropono para sa kahit sinong gustong maki-jamming at magbahagi ng kanilang talento sa barangay.

Bukas ang Kalye Paskuhan mula 6:30 ng gabi hanggang 9:30 ng gabi.